Time Travel

Hindi ko alam kung nabanggit ko na sa’yo, pero big fan ako ng teleportation
at time travel. Wala naman akong mga gustong madaliin o baguhin, parang sa
palagay ko lang, ang ultimate power is the power to control time. If you
can control time, then you can control the distance. Simple physics lang
naman. Kako, napaka-cool siguro kung magagawa kong kausapin ang sarili ko
na mag-eexist sa future. Tapos yung nasa future ko naman, pwedeng
bumalik-balik sa nakaraan para batukan ang kasalukuyang ako.

Sabi ng mga modern scientists, posible daw ang time travel at teleportation
pero it would take 500 billion years to put every man’s thought in a
database. Pero patuloy naman tayo nag-aadvance, so ibig sabihin, in the
future, pwede pa rin mabago iyon. Kaso, if you think about it, it would
defy a man’s reason to exist. Lahat tayo narito para bumuo ng kinabukasan,
di ba? So ibig sabihin, kung darating ang araw na pwede na nating silipin
ang kinabukasan, makikita na rin natin ang lahat ng cause and effect – so
ibig sabihin iiwasan na natin magkamali kasi syempre may desired outcome
tayo – mababawasan ang experience – mabobo ang mga tao.

Siguro nagtataka ka bakit ko ito ipinapaliwanag ngayon. Hindi ko rin
masyadong alam, sa totoo lang. Naisip ko lang, siguro kahit saglit lang,
masarap malaman ang kahihinatnan ng lahat ng pinaggagawa ko ngayon. Kung
maaga ba ako mamamatay, kung yayaman ba ako, kung papayat o all of the
above. Gusto kong malaman kung andun ka kaya sa kinabukasan ko. Madaling
sabihin ngayon, ano? Madaling sabihin na, oo naman, sa finals. Pero kelan
nga ba ang finals? Isa pa yun sa gusto kong malaman. Minsan kasi, traydor
ang katapusan. Bigla na lang dumarating at hindi tayo binibigyan ng sapat
na oras para maghanda. Iba-iba ang kahulugan ng salitang ‘huli’ para sa
akin. May huling ngiti. May huling sakit. Well actually, dalawa lang pala.
Pero sa ngayon, ito ang nararamdaman ko – hindi na mahalaga ang huli. Ang
mahalaga ay ang umpisa.

Paano nga ba tayo nag-umpisa? Ah, oo. Ikaw at ako ay dalawang tao na
pinagtagpo ng tadhana habang sabay natin nililibot ang mundo. Habang
paikot-ikot tayo ay palingon-lingon din ng palihim kasi baka nagtatago ang
kaligayahan natin sa Kristo ng Rio de Janeiro. O di kaya naman ay
nakapaloob sa mga ulo ng hipon ni Aling Barang sa Thailand. O baka naman
nasa ilalim ng lupa ni Heidi sa Norway. Nangangapa tayo sa dilim at
araw-araw pinipilit makuntento sa kung alinmang buhay meron tayo noon dahil
natatakot tayo na baka kapag sinubok nating baguhin, maging mas masahol pa.

Tayo ang dalawang duwag na bulag na nagkakwentuhan isang malamig na
madaling araw habang naghahampasan ang mga alon sa di kalayuan. Nag-umpisa
sa agahan na matabang pa sa pagmamahal ng asawang nagsawa na sa pagsasama.
Sa kape na lasang buhangin. Sa paghalik sa noo na ang malisya ay tumatagos
hanggang buto. Sa panonood ulit ng alon habang sinasabi ang lahat ng totoo.
Ang langit ay atin, at atin lang. Nung gabi na iyon, nagpasya tayo na ang
buong dilim ng karagatan ang maging saksi sa pagmamahalan na pinilit iwasan.

Tumawa ng malakas, dumadagundong ang mga pader at kisame sa mga halakhak
natin na kayang bumuwag ng bato. Umiyak at humagulgol, bumagsak ang mga
luha na kayang tumunaw ng adobe. Yumakap, humalik, nagsama at sa maikling
panahon ay binawi ang lungkot na dala ng pagkakataon. Nahanap natin ang
nawawala sa mata ng isa’t-isa. Nagkaroon ng kaunting linaw ang tunay na
gusto ng mga puso natin, kahit hindi man sabihin.

Sa kabila ng kaligayahan ay itinanggi natin ang atin. Inamin natin sa
sarili natin ang ating taning, na sa bawat sandali ay gumagalaw ang kamay
ng relo at ang tunay na direksyon ay unti-unting umaalsa mula sa lupa. Ang
mga kalsada kung saan nakaparada ang ating kanya-kanyang motorsiklo.
Kanya-kanyang byahe, kanya-kanyang bagahe.

Lumipas ang mga araw at nakita natin ang ating sarili na nakatapak, iniwan
ang mga motorsiklo, tiniis ang paglakad sa mga bato at bubog. Hindi ininda
ang nagdurugong mga paa, tayo ay nagkasalubong sa gitna ng ating mga
sariling kalsada na sa kalagitnaan ay magkarugtong pala.

Kung may kapangyarihan ako, babalik ako sa umpisa. Hindi para baguhin ito,
pero para paulit-ulit itong panoorin. Kung may kakayahan lang ako, lilipad
ako sa tabi mo ngayon na. Ipapaalala ko sa’yo ang lahat hanggang sa makita
ko ulit ang mga ngiti na aking minahal. At pagkatapos noon, ang bawat araw
ay magiging simula.

Hindi ko alam kung makikita ko pa ang dulo ng ating kwento. Isang araw,
titigil sa pag-ikot ang mundo at ang lahat ito ay mawawala. Pero matagal ko
nang iginuhit ang yugto ng aking buhay kasama ka sa mga ulap. Ang
pananatili ay isang desisyon na matagal ko nang pinanindigan. Kung darating
ang araw na hindi ka na lilingon dahil masakit na ang iyong mga paa at
hindi na makakalakad pa kasama ko, hahayaan naman kitang tumalikod at
bumalik sa sarili mong umpisa.

Sa pagdating noon, ako ay mananatili sa nagsalubong nating kalsada at
hihintayin ang iyong pagdaan. Sapat na sa akin na makita ang paglaban mo sa
hangin habang nagpapatakbo ka ng matulin.

Mahalin mo ako tulad ng hangin na lumulukob sa iyong buong pagkatao habang
nakikipagsalpukan ka rito. Ibigay mo ang iyong lakas upang iyong malabanan
habang walang malay mong niyayapos at hinahalikan.

Pagkatapos ng 500 billion years, babalikan kita. Babalik ako sa
umpisa.Dahil kahit ilang bilyong taon pa, ang pagmamahal na ibinigay ko sa
iyo ay hindi ko na kayang ulitin pa sa iba. Mabubuo at matutunaw ulit ang
mga yelo, magkakapatong-patong ang lahat ng lupa, mabibiyak ang mundo –
pero hindi nito kayang baguhin ang laman ng puso kong halos sumabog dahil
sa dami ng ala-ala mo na nakapaloob dito.

Ikaw ang nagpa-experience sa akin ng time travel. Dahil sa mga mata mo
ngayon, ipinakita mo sa akin ang bukas.

Leave a comment